Ano nga ba ang ibig-sabihin ng bayani? Sila yung nag-alay ng buhay para sa bansa. Sila yung naglunsad ng himagsikan para tuluyang matamasa ang pinapangarap na kalayaan. At sila yung may matinding pakikibaka at nagnanais ng rebolusyon para magkaroon ng reporma o pagbabago. Kung iisipin natin, wala na yung mga taong tulad nila. Dead na si Rizal. Tsugi na si Bonifacio. Matagal nang pumanaw si Pareng Gregorio. Hindi na naisilang muli sa mundo si Gabriela Silang. Hindi na nagawang makahabol ni Macario Sakay sa huling sakayan sa terminal ng dyip kaya di siya nakabalik sa evacuation center at nilamon ng naglalakihang alon. At nasabugan si Plaridel ng mga paputok sa Bulacan kaya binawian siya ng buhay. Kung akala niyo’y ubos na ang mga uri nila, nagkakamali kayo. May mga bayani pa rin tayo hanggang ngayon. Hindi nawala ang DNA ng mga bayani noong unang panahon. Naisalin ito sa mga lahi, tribo, angkan at pamilya sa buong panig ng mundo. Dumadaloy sa kanilang ugat ang dugo ng dakilang nilalang na nagtataglay ng pambihirang kakayahan at abilidad. Sila yung tinatawag na “makaluma at makabagong bayani ng panahon”.

 

Ang bayani ng makaluma at makabagong panahon ay:

  • isang taong tulad ni Bonifacio na ipinagtanggol ang mahal niyang bayan laban sa mga taong mapangutya at mapang-api.
  • isang indibidwal na kahanay ni Manny Pacquaio na araw-araw nag-eensayo upang mapatumba [mapabagsak] ang anumang hamon ng buhay.
  • isang guro na handang ibuhos ang kanyang oras para hindi masadlak sa kamangmangan ang paslit na idinuduyan pa ng edukasyon.
  • isang pulis na sumumpang iaalay ang buong puso at buhay para sa institusyon na kanyang pinoprotektahan.
  • katulad ng mga OFW na tinitiis ang anumang hirap para maibigay [matustusan] ang pangangailangan ng pamilyang sa kanila lang umaasa.
  • kabaro ng mga sundalo na oras-oras pinananatili ang kaayusan at katahimikan ng mga taong nasa paligid niya.
  • At tulad ni Rizal na ginamit ang katalinuhan, kasipagan at kaalaman upang makapaghatid ng magandang bukas sa mga taong maiiwan niya at nang hindi nila maranasan ang masamang nakaraan niya.

 

Sino ang tinutukoy ko? Ang taong tinutukoy ko ay yung tao na araw-araw na nating nakakasama at nakakapalitan ng ideya. Walang iba kundi ang mga nanay natin na bungangera at magaling na labandera. Isama mo pa yung mga tatay natin na ubod ng strikto at gwapo. Sila ang bayani ng makaluma at makabagong panahon. Ginawa nila ang lahat ng makakaya nila para sa mga anak na naggagandahan [naggagwapuhan] na tulad natin. Pinag-aral tayo sa pang-illustrado na paaralan. Inaruga tayo nang tayo ay sanggol pa lamang. Inalagaan tayo sa mga panahon na tayo’y may sakit at may matinding karamdaman. Inalalayan tayo sa mga bagay na di na saklaw ng ating kakayahan. Iginapang tayo sa hirap. Inilayo tayo sa mga bagay na makakasira sa atin. At patuloy na nakikibaka para magkaroon tayo ng masaganang pamumuhay. Napakapalad natin dahil inilaan nila ang makabuluhang oras nila para sa atin. Nang dahil sa kanila, hindi mauubos ang bayani sa daigdig dahil tayo ang magpapatuloy nito. Ipagpapatuloy natin ‘to sa ating mga kaibigan, kapatid, kaklase, kapitbahay, kapanalig, kapamilya at sa magiging supling natin pag dating ng takdang panahon. Kaya’t marapat lang na sulitin mo ang bawat sandali sa piling ng bayani mo. Dahil ang bawat minuto ay katumbas ng isang taon na karunungan at katatagan na magiging matibay na sandata kapag lumaon. Isang sandata na maghahatid ng pagmamahal sa mga taong napapaligiran mo. Sandata na magsisilbing tulay ng pagpapala sa mga taong nangangailangan. At sandata na magtatanggol sa mga taong mahihina at naaapi. Bayani ang magulang ko at ang mga magulang mo. Di mo man ito makita sa ngayon, mapapagtanto mo rin ito sa tamang panahon.

Advertisements