Buwan ng Agosto nang tayo ay magkadaupang-palad.

Doon ko unang naramdaman ang init ng iyong palad.

Tingin man nila sa’yo ay masungit,

Puso ko naman ay iyong nasungkit.

Nagkagaanan ang loob kaya malapit na relasyon ay sinubukan nating mag-work.

Maganda naman ang simula dahil sinundan pa ito ng makukulay na firework.

Bigla akong nabuhayan.

May tao pa palang sa presensya ko ay ginaganahan.

Iilan lang ang nakaaalam na mayroong namamagitan sa’tin dahil ito’y ating itinago.

Matagal na panahon din akong walang kasintahan kaya ako ay go.

Estado ko’y nagbago.

Para akong nanalo sa Bingo.

Batid kong maraming bagay ang pagsusumikapan nating intindihin.

Di ka masyadong nagbibigay pansin, ako’y maalalahanin.

Edad mo’y di pa nalalayo sa trenta, sa aki’y sa kalendaryo ay ‘di na makita.

Ikaw ay binatilyo, ako nama’y dalagang ina.

Naglaan tayo ng oras para sa isa’t isa.

Dalawang puso ay ating pinag-isa.

May mga pangarap ako na ‘di ko kayang abutin mag-isa.

Kaya sana, huwag mo kong iiwang nag-iisa.

Tumupad ka sa iyong mga pangako.

Masakit lang dahil ang iba ay napako.

Nang tayo ay sa kanto lumiko,

Nahiya ka at ika’y napayuko.

Nagdududa na ako sa iyong pagmamahal.

Mahal kita ngunit tila hindi ako ang iyong mahal.

Maraming nagnanais na pag-ibig nila ay sa akin itanghal.

Pero mas pinili ko pa rin na ikaw ang ihalal.

Nakakainis, di pa natatapos ang pagrolyo ng napili kong pelikula, nagdadalawang-isip na ‘kong umalis.

Ang oras ay umikot nang kay bilis.

Kung nung una, ramdam ko pa ang iyong tamis.

Ngayon, ang natatanggap ko sa’yo ay puno ng paghihinagpis.

Naglatag ako ng iba’t ibang senyales.

Ilang senyales na ang pumalpak, di pa rin ako makapag-decide ng yes.

Pilit pa ring hinahawakan ang pinakaiingatan kong korales.

Effort ko’y worthless, tinitiis kong mag-settle sa less.

Naguguluhan na ako kaya’t ako’y naghanap ng makakausap.

Lahat ng pangungusap na binitawan niya ay sa akin nangusap.

Isa sa problema namin ay bunga ng hindi namin pag-uusap.

Kaya ang payo niya sa’kin, masinsinang pag-uusap.

Maraming bagay sa kanya ay aking nalaman.

Sa sobrang dami, hindi ito kinayang buhatin ng sarili kong katawan.

Tumagos sa aking laman.

Tumangis akong sigaw-sigaw ko ang iyong pangalan.

Todo-todo man ang nararamdaman kong sakit,

Lamang pa rin sa akin na sa’yo ay magmalasakit.

Pinakamadilim na araw ay hindi pa sumasapit.

Kaya ako ay patuloy munang kakapit.

Alam kong hindi ikaw ang lalaking hinulma ko sa aking pananaw.

Pero kahit anong sabihin nila, pagsinta ko ay sa’yo lamang matatanaw.

Baliw man kung ito’y kanilang ituring, ika’y aking iniirog, atensyon ko’y hindi sa iba mapupukaw.

Isa lang Agosto ko at ‘yun ay ikaw.

Advertisements