Isinilang akong kumpleto.
Daliri ko’y hindi pito.
Malulusog kong mata’y naaaninag ang imbensyong gawa ni Agapito.
Kaya naman nagpapasalamat sila ng husto.

Ako’y lumaki sa pamilyang laging may labis.
Hindi ako nakulangan sa gamit kahit isang lapis.
Ni hindi umabot ang aking mga kwaderno nang pagkanipis-nipis.
Laging puno ang lamesa, katawan nama’y kay nipis-nipis.

Wari ko’y ako’y kumpleto na, may kulang pa palang isang hibla.
Nalaman ko ‘to nang may magtanong sa’kin mula sa kabila.
Hindi ako makasagot at halos mukha ko’y mamutla.
Hindi ‘ko malaman kung anong isasagot sa tanong ng madla, ako’y napatulala.

Tahimik kong mundo’y biglang nabulahaw.
Mga labi ko’y nakaramdam ng matinding pagkauhaw.
Uminit ang paligid na tila katawan ko’y iniihaw.
Kumalat na ang balita bago pa man ito umalingasaw.

Matapos kong maliwanagan,
Nanghina ako ng dahan-dahan.
Yung kumpletong aking inaasahan, ako’y naisahan.
Naghanap tuloy ako kung saan-saan.

Sumakay ako sa jeepney.
Aking nasilayan ay mag-daddy.
Nakaramdam ako ng envy.
Gustong tumulo ng luha ko ng heavy.

Sumaglit ako sa paaralan.
Tinukso ako ng iilan.
Hindi maaaring isa lang ang lahing aking pinagmulan.
Ako’y binato ng tukso at naging tampulan.

Hindi naging madali ang buhay ko.
Ito’y higit pa sa aksidenteng pagkakatanggal ng isa mong kuko.
Hindi ka na nga sinipot ng iyong iniidolo,
Nawala pa ang sayo’y sasaklolo.

Namuhay ako nang wala ka ng mahabang panahon.
Pinalibutan ko ang sarili ng ilusyon.
Kinalimutan ang nadaramang emosyon.
Pansamantalang inaliw ang sarili sa alon.

Ilang taon, puso ko’y napagal.
Pagtakbo ko’y tapos na ngunit patuloy pa rin akong hinihingal.
Hinintay kita ng kay tagal.
Kailan kaya matutuldukan ang paulit-ulit kong pagpapagal?

Kahit ako’y naiinip,
Hindi ka mawala-wala sa aking isip.
Gising akong nananaginip.
Na balang araw, ang hangin ay sa atin iihip.

Huwag mo sanang isipin na kita’y nalimutan.
Kung wala ka, hindi ako magiging bahagi ng maunlad na lipunan.
Marami mang bagay ang hindi mo napunan,
Ito nama’y naging aking matibay na sandigan.

Hihintayin ko ang pagdating mo.
Mag-aantay ako kahit tuyot na ang mga damo.
Gabi-gabi akong sisilip sa langit.
Mananalangin na araw ng pagkikita nati’y sumapit.

Habang ako’y naghihintay,
Isisilid ko sa malaking garapon ang pagmamahal ko sa’yo, Itay.
Naipong pagmamahal sa’yo ko lamang ibibigay.
Umaasang masusuklian ito ng pag-ibig na dalisay.

Kamay ng orasan ay ating ibabalik.
Susulitin ang oras parang kaibigang pinakamatalik.
Hinding-hindi na natin hahayaang nakaraan ay magbalik.
Itatama natin ang mali at sisimulan natin ‘to sa pagpapalit ng aking pangalan at titik.

Advertisements